Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Feb 2020
Duwag ka pero salamat
Salamat dahil hindi mo ako pinabayaang mahulog sa isang panandaliang saya
Hindi mo ko hinayaang mahulog sa isang kathang isip lang
Sa mga matatamis na salita na hanggang kwento lamang
Sa mga makahulugang tingin na hanggang sulyap lamang
Sa mga masasayang pag-uusap na hanggang alaala na lamang

Mga salita, tingin at kwentuhan na hindi kayang ipadama ng mga yakap at haplos
Dahil duwag ka
Dahil nandyan ka at nandito ako
Magkalayo tayong dalawa
Pinagdugtong lang ng isang pisong tumatawid sa libo-libong distansyang mahirap sundan
Dahil hindi natin kayang tawirin dahil duwag ka at ako

Oo, duwag din ako
Duwag ako katulad mo
Nakakahilo ang pagitan natin
Duwag tayong dalawang pumaroon sa espayong walang kasiguraduhan
Pero napakatapang nating hinarap ang katotohanang nakakabit sa atin ang mga balakid

Na nandyan ka at nandito ako
Malayong-malayo
Itong paang nagpipigil sa ating lumutang sa ligayang hatid ng mapangahas na damdamin
Hatid ng masarap na pantasyang hawak ko ang mga pisngi mo o na malaya kong natititigan ang kislap ng mga mata mo
Lagi tayong nakamulat at hindi kayang pumikit nang matagalan

Dahil duwag ka at duwag ako
Duwag ka dahil hindi ka lumaban para sa atin
At duwag ako dahil hindi kita i-pinaglaban.
napalitan ang mga paru-paro sa sikmura ng mga daga sa dibdib.
kahel
Written by
kahel
810
 
Please log in to view and add comments on poems