Humahagibis ang hangin sa dalampasigan Kaya ang mga dahon nagsisipagaspasan At kung tumila ang simoy ng Amihan Alaala'y bumabalik nang walang pakundangan
Mahamog na ang kapaligiran Malamig na rin ang kaparangan Sa pagtaas ng alon sa aplaya Ay sumasabay ang pagbubuntong - hininga
May saliw ang karoling Himig ng pasko'y umaadya sa damdamin Ngunit pansamantala ang dulot na aliw Sa maghapong pangunguyumpis
Hindi na bumubuka ang bulaklak Ng itinanim kong Rosas Hindi na gaano maliwanag ang kislap ng tala Dahil ba sa hukluban na't yumuyukod O nasisiphayo ng pag-ibig
Ang pangakong hindi maghihiwalay ay kanyang tinalikdan Ngayon nag-iisa na humihimlay Kasama ang yakap ng lumbay
Hindi ko kailangan na manimdim Sapagkat tunay at wagas siyang inibig Bakit taliwas ang bawat wakas At maunsiyami sa mga hiraya
Saan-saan na lang ibinaling ang paningin At iniba ang hilig Ngunit sa paghinto ng paghalakhak Hindi ko maiwasan ang umiyak
Nalugami sa pagmamahal At kung mabuksan muli ang puso Malaman niya sana na siya ang dahilan Ng paghibik sa pasko