Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jun 9
marami akong gustong ibalik sa aking buhay.

boses? yakap? init ng katawan? mga mensaheng “nakauwi ka na ba?” o “kumain ka na ba?” – oo, bawat gabi dinadalangin ko sa taas na sana bumalik yung mga panahon na iyon, noong magkasama pa tayong dalawa, sabay nangangarap ng magandang kinabukasan na magkasama.

ngayon, ako nalang yung nangangarap mag-isa sa mga butuing hindi ko maabot, parang ikaw.

hindi ko maipinta ang sakit na nararamdaman. kahit nais kong lagyan ng mga matatamis na kulay ang aking isipan katulad ng kahel o rosas, maihahalintulad sa makulimlim na langit ang aking mga mata – kulay patay na bughaw at itim, ang aking mga luha ay tila bang malalaking patak ng ulan, hindi natatapos, hindi tumitigil.

palagi ko pa ring itinatanong sa sarili kung saan nagkulang o nagkamali, kung ang mga desisyon ko sa buhay ay tugma sa mga isinisigaw ng aking puso. siguro hindi nga, at kung tama naman ang aking mga sinasambit, hindi ako magkakaganito.

hindi tayo nagkaganito.

noong araw na binitawan ko ang iyong kamay, akala ko na ang kanyang puso ay mamamahinga  na sa puot at sakit dahil masakit marining ang mga salitang hindi ko nais marining galing sayo.

paulit-ulit na tumatakbo sa isipan ko ang gabing naghantong sa ating hangganan. simula noon, hiniling ko nalang na sana ay maibalik pa ang kahapon.

ngayon ay lalong tumindi ang bugso ng ulan na naririnig ko sa labas ng aking bintana. tila bang sumasabay ang aking mga pagsisisi sa buhay. hindi ko malaman kung bakit ko naisambit ang mga salitang hindi ko naman nais pahalagahan, pero ang mga iyon ay lumabas nalang ng sunod-sunod galing sa aking bibig.

naaalala ko rin ang itsura mo nung narinig mo ang lahat. ang masakit lang noon ay hindi ako nakapagnilay-nilay bago ko buksan ang aking bibig. nadala ako sa bugso ng galit at emosyon.

pagpaumanhin mo, mahal. patuloy na isinasambit sa sarili na sana ay naririnig mo kung saan ka man naroroon.

sa katihimikan ng dalawang panig, at sa kalaliman ng gabi. kahit wala nang pagkakataong makatayo sa harapan mo, isa lamang ang gusto kong sabihin sa iyo.

mahal pa rin kita.
at uulit-ulitin kong sabihin iyon sa iyo,
kahit hindi mo na nais marinig.
Written by
ri  19/upd kal
(19/upd kal)   
7.1k
 
Please log in to view and add comments on poems