Puno ng init ang unang higop ng kape Nakakapaso ngunit ramdam mo ring gumuguhit ito sa iyong mga ugat Hanggang sa umabot na ito sa iyong pusong bumibilis na ang pagtibok Sa iyong mga kamay na walang tigil ang panginginig Sa iyong mga matang mulat na mulat sa hating-gabi At sa iyong mga bibig na nananatiling bukas at handang sabihin ang lahat ng ninanais
Ngunit sino ba ang iyong kape? Ang nagbibigay sa’yo ng panandaliang lakas? Sino ba siyang nagiging rason para manatili kang gising sa gabi kahit gustong-gusto mo nang matulog? Sino ba siyang nagdudulot ng matinding panginginig sa iyong mga kamay at tuhod sa tuwing nakikita mo siya? Sino ba siyang nagpapabilis ng pagtibok ng iyong pusong naghahanap lamang ng panibagong taong mamahalin habang inaantay **** mawala ang paso sa iyong dila na nadulot ng iyong nakaraang baso ng kape na punong-puno ng pait?
Ayan na’t naglalakad na siya papunta sa’yo Inaantok ka pa at walang kamalay-malay na nariyan na pala siya Papalapit nang papalapit hanggang sa nauwi nang magkahawak ang inyong mga kamay at ayan na naman Ang pagbilis ng tibok ng iyong puso Ang walang tigil na panginginig ng iyong mga kamay Ang pananatiling bukas ng iyong mga mata Kahit gusto na nitong pumikit, magpahinga, at mamaalam na sa ginagalawang mundo
Ngunit tulad ng epekto ng kapeng iniinom mo araw-araw Papawi rin ang pananabik at pagkamulat ng iyong mga mata Mapapagod din ang iyong pusong nalasing na sa dami ng kapeng iyong nainom na akala mo’y matamis ngunit nag-iiwan din pala ng mapait na bakas sa iyong mga labi Titigil din ang panginginig ng iyong mga kamay Sadyang panandalian lang at hinding-hindi na tatagal Sapagkat siyang kape na nagbibigay sa’yo ng lakas Ay siya ring kape na inubos mo hanggang sa huling patak