Hayaan **** makisabay ang iyong kagaanan sa himpapawid Nang ang bawat hibla'y makatikim ng tagumpay. Pagkat ang iyong baluti'y sagisag ng pagkakaisa At ika'y titingalain sa iyong pagliyad Patungo sa pinakataas-taasang bughaw naming kalangitan.
Balutin mo ng dunong ang moog na salinlahi At ika'y gumayak Kasabay ng pagkurap ng haring araw. Wag **** itikom ang panaghoy sa katotohanan Habang ang bulong mo noo'y Maging hayag na sa pitong libong pinagmanahan At maraang mapagyaman ang Perlas ng Silanganan.
Ipag-isa mo ang tatlong bituing ipinaglihis ng kadiliman Hindi bilang isang taksil sa lipunang mapanghasik ng lagim. Igapos mo ang kabuuan na tila isang dalisay na karagatan At iyong tabunan ang mga patak ng dugo Sa tigang at umaalingasaw na sistema ng bayan.
Sa iyong lubid, kami'y kakapit Habang ang himagsika'y sing-bagsik ng leong May matalim na pangil sa pakikipaglaban. Ang kamandag mo'y tagos sa puso't kaluluwa, Dugtong sa bituka ng kasaysayang may bantog na pag-alala.
At sa bawat pintig at pag-indayog ng iyong himig, Ang lahat ay magpakumbaba. Gisingin mo ang diwang nahimbing sa kababalaghan Siyang dulot ng sakim na mekanismo't maitim na pamamaraan.
Lapag sa puso at sa sahig ay papagpag ng paninindigan Taas-noo ang aming pagpapatirapa para sa nag-iisang sandigan. Ikaw ang bakas ng aming pinagmulan, Ang ugat ng lakas, dunong at prinsipyo Ng mga supling mo, o Inang Bayan.