Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Oct 2016
Naaalala mo pa ba?

Noong pinangako natin sa isa’t isa, ang mga bituin at mga tala,
ang mga bulalakaw na dahan-dahang umuusbong mula sa mga kabiyakan ng langit, at lahat ng kung anu-anumang nakapaskil at kumikislap, sumasayaw o kumikinang sa kisame ng mundo tuwing nagpapahinga ang kalawakan

Naaalala mo pa ba?

Ang mga pagkakataong sumilong tayo sa ilalim ng iisang payong, dahil naiwan mo ang sa iyo, tuwing nananalanta ang mga bagyo o tuwing kumakapit sa ating mga balat ang mga nakalalapnos na sinag ng araw, pagpapahiwatig ng lamig at hapding papaparating

Naaalala mo pa ba?

Noong ang ating pagtutunguhan ay pareho, sakay ng iisang sasakyan, dinudumog ang parehong landas,
habang tinatahak ang mahabang abenidang maghahatid sa atin sa dulo

‘Di alintana ang bigat ng trapiko
at ang mga nakaririnding hiyaw ng mga businang nagmumula
sa mga nagmamanehong kanina pang balisa

‘Di iniinda ang kalbaryo ng mahahabang pila
dahil alam kong kaagapay at kasama kita,
at dahil sigurado akong kahit anong mangyari ay hindi ka bababa



Dahil ako? Tandang-tanda ko pa.

Nananatiling sariwa ang mga hiwa sa aking pusong hindi pa rin nagsasara

Hirap sa paghilom, hindi matikom, sawang-sawa sa pag-inom, pag-inom para makalimot,
malimot ang bawat kirot, bagot, hatak at hugot ng bawat damdaming nanunuot,
na tila mga namumuong lumot sa pagitan ng mga ugat ng kaluluwang habambuhay kong isusuot

Naaalala ko pa noong napundi ang mga tala, noon tumigil sila sa pagkinang, natabunan ng mga ulap na mabibigat, kailanma’y hindi na mabibigyan ng pagkakataong muling mangislap

Katulad ng apoy ng pag-ibig nating naapula,
Nalusaw at naglaho dahil hindi na kita napayungan

Mali.

Dahil hindi mo na ako hinayaang payungan ka,
lumisan ka mula sa ilalim ng lilim ko
at nagtampisaw ka sa ulan hanggang sa lamigin at mamanhid

Mamanhid sa lahat ng damdamin,
sa lahat ng dadadaming itinaya,
itinaya para sa’yo, para sa atin

Kaya laking gulat ko noong ako’y napahinto,
dahil sa maliit na aberya, dahil sa maliit na harang sa daan,
dahil sa munting problema, ay binuksan mo ang pinto
at tumakbo ka papalayo kahit wala pa tayo sa dulo

Laking gulat ko dahil akala ko ay sabay tayong bababa

Nilunod mo ang iyong sarili sa dagat at alon ng mga tumatawid,
hanggang sa ‘di ko na nabatid ang iyong mga mata,
hanggang sa naging katulad mo na lang sila

‘Di mo man lang ako binigyan ng pagkakataong isalba ka

Kaya laking gulat ko, dahil ngayo’y alam ko na
na ikaw rin pala ang parehong bagyong
pinagpapayungan at kinakatakutan ko

Ngayo’y alam ko na
kung bakit ang mga bagyo ay may mata
ngunit walang puso

Dahil walang puso mo akong sinalanta,
nilunod sa peligro, binaha’t napinsala
naging bihag ng iyong sakuna

Ngunit, narito muli ako ngayon, naghahalungkat at inaalala,
sa ilalim ng mga tala, sa ilalim ng mga patak ng ulan
at ng mga sinag ng araw, sa loob ng sasakyan,
nakahinto sa gitna ng kalsada kung saan ka bumaba
at sa lahat ng iba pang dakong iginugunita at naaalala ka

Naghahalungkat at inaalala, ‘di dahil gustong balikan
Kung ‘di dahil isa-isa ko na silang pakakawalan,
at isa-isa na kitang kakalimutan


Ipinapangako ko sa kalawakan
na heto na ang huling pagkakataon,
ang huling kabanata, ang huling beses

Hindi ko na hahayaang maipit pa ang sarili ko
sa mundo **** matagal ko nang gustong lisanin

Hindi ko na muling ipauubaya ang aking mga nararamdaman
sa kung anumang pagkumpas ng mga mapaglinlang na tala
at hindi na ako muling mananalig pa sa pagpihit ng tadhana

Ako’y bibitaw na, hindi na kakapit pasa mga maninipis na hiblang
pinaniniwalaan at pinagpipilitan kong nag-uugnay pa rin sa ating dalawa

Hindi na, hindi ko na pagpipilitan, hindi na kita paniniwalaaan

Hindi na ako kakapit dahil matagal ka na nga palang bumitiw,
ikaw nga pala ang naunang tumiwalag

Kaya narito ako ngayon, kung saan ako naman ang bababa,
sa pagitan ng lahat ng mga alaala, kung saan kita unang nakita

Dahil itong pinagsimulan ay siya ring yugto

Ipinapangako ko, na ang gabing ito
ay ang huling pagkakataon na ika’y iisipin

Ang huling pagkakataon na ika’y sasambahin

Ang huling pagkakataon na ika’y aalahanin

Ito na ng huling pagkakataon na ika’y gugunitain
Kurt De Castro
Written by
Kurt De Castro
Please log in to view and add comments on poems