Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jun 2016
Narinig na ng bawat sulok ng kuwarto mo ang mga ibinubulong ko sa iyo tuwing natutulog ka, habang yakap-yakap kita, at nakabaon sa dibdib ko ang mukha **** nasa malalim na paghimbing


Narinig na ng mga unan mo ang mga salitang binitiwan ko noong inamin kong takot akong mahulog ang loob ko sa iyo.


Narinig nila ang mga bulong kong puno ng takot dahil napagtanto ko na hindi na ako ang parehong kilala mo noong una akong humimlay sa tabi mo


Narinig din ng parehong kumot na bumabalot sa ating dalawa noong ibinulong ko sa iyo na ngayon at sa iyo lamang ako naging ganito kasaya, nakailanma'y hindi ako nakaranas ng ganitong klase ng ligaya


Maigting ding nagmamasid ang iyong orasan noong ipinangako ko sa iyo na ilalaan ko na ang bawat patak ng segundo ng buhay ko sa pag-aalaga sa iyo at na hinding-hindi akong magsasawang pag-ingatan ka, tumigil man sa pagpihit ang lahat ng orasan sa mundong ibabaw


Higit sa lahat, narinig ako ng mga pader ng kuwarto mo, noong gabi ng una kong sinabing mahal kita, ang parehong gabing paulit-ulit kong sinabi ko sa sarili ko ang mga masasarap ngunit mahahapding salitang iyon hanggang sa nakatulog ako


At habang parating na muli ang umaga at gigising na ang lahat, ay sana manahimik ang kuwarto mo, at panatilihin nitong lihim ang mga narinig niyang sinabi ko

Dahil narinig na ng bawat sulok ng kuwarto mo

Ang mga salitang hindi ko kayang sabihin sa iyo
Kurt De Castro
Written by
Kurt De Castro
Please log in to view and add comments on poems