Mayroong mga salita,
Pareho ang pagbaybay, ngunit magkaiba ang bigkas at diwa.
Buháy at búhay,
Bukás at búkas,
At mahal, sa pag-ibig man o sa halaga.
"Mahal."
Kung iisipin, parang sinadya na kahit may dalwang diwa ang salitang ito,
Parehas pa rin ang kaugnayan nila sa isa't isa.
Dahil ang pag-ibig ay hindi madali,
Kailangan nito ng oras at panahon,
Mga sakripisyo at piyesa ng ating pagkatao,
Itinuturing itong mahal dahil hindi kayang tumbasan ng salapi ang mga halaga nito.
Dahil ang pag-ibig ay hindi dapat kayang tumbasan ng kahit anong mura,
Kahit kailan hindi ito kayang mabili.