Hello Poetry
Submit your work and get some sparkles! Create free account
vintukin
20/PH random thoughts of an anemic bi and his daily struggles other than lacking red blood cells. 73-13-5
ilang beses mo itinatakda sa telepono ang alarmang gigising sa 'yo kinaumagahan? tipong ididilat mo na lamang ang mga mata, magdadasal, babangon, iinom ng mainit na kape, at wala nang iba. sana ganoon din dito sa amin. sa munting tahanan namin dito sa mandaluyong, pinalaki kaming alerto sa wangwang ng mga bumbero. ito ang alarmang gigising sa 'min kahit kami'y mga gising na. mapapipikit ang mga mata sa takot, sabay takip ng tainga, dahil sa sunod-sunod na sunog, tanaw mula sa bintanang karatig ng kama. paano nga ba matulog nang nakatatak sa isipan ang sangkatutak na pamilyang walang matutulugan? tag-ulan pa naman, maaaring bumaha. at sa tanghali kinabukasan ay bilad sa lansangan. paano nga ba matulog sa ugong ng mga trak na kumakalampag sa dingding, nanunuot ang alingawngaw sa balat? paano nga ba matulog sa ilalim ng kahel na kalangitan? takipsilim sa pagsapit ng alas-dyis ng gabi. kinain ng nagniningas na apoy ang orasan. pribilehiyo na ang tanungin ang sarili kung paano ka gigising bukas 'pagkat paano nga ba sila matutulog?
0
Jun 14, 2020
Jun 14, 2020 at 10:45 AM UTC
snooze
sumasampalataya ako sa diyos sa aking kaibuturan. walang langit sa makamundong isipan. sumasampalataya ako sa baong panandaliang hiram, nabubulok, nalalanta. hiwaga ang bunga ng pagmamahal. hindi kailan man mamamatay ang kaluluwa kahit sa ikatlong araw, ang laman ay abo na. nanatili sa balat ng lupa. naluklok sa kanan ng mira at ginto, pati na rin ng insensong bumabalot sa espiritu. tinago ang amoy ng isang alipin. alipin ng sarili. alipin ng iniwang mundo. sumasampalataya ako sa isang dalaga, sa leeg ng manok ng banal na tinola, sa kapatawaran ng kasalanang sirang-plaka. paulit-ulit gigibain at bubuuin ang simbahang ako lamang ang sumasamba. magpasawalang-hanggan.
0
Jun 12, 2020
Jun 12, 2020 at 10:01 PM UTC
credo ni damaso
kung ika'y nakatutulog nang mahimbing, nawa'y ihele ka sa bisig ng mga umuugong na hiyaw. hindi nagmamaliw, hindi patitinag. inaantok na. dahan-dahang bumababa ang kurtina. bakit nga ba? bakit ba mas ibinubuka ang mata tuwing kakapa sa dilim kaysa liwanag ng bagong umaga? sunugin yaong tela. basagin ang bintana hayaang pumiglas ang kaluluwang nagmamakaawa na kahit isang saglit matulog ka'ng mulat. kailan ma'y 'wag pumikit.
0
Jun 12, 2020
Jun 12, 2020 at 2:17 PM UTC
talukap
"MA, NASA'N Y'ONG MASK?". nagmamadali na 'kong lumabas. may bibilhin lang kasi ako sa 7-11. ba't pa kailangan ng mask? pati y'ong ano- ano'ng tawag doon? AH quarantine pass. bago pa lumabas ng bahay, nasermonan ang atat na mokong. kapiranggot na mga salita ang nag-udyok upang hindi na hawakan pa ang pinto. "mag-ingat ka sa sakit pero mas mag-ingat ka sa mga sundalo na nakatanod sa checkpoint palabas." isang taon na ang nakalipas. 'di na natapos ang pandemya. para pagsabihan ako sa edad kong 'to, tanggap ko na. hindi na 'ko takot sa sakit. ang hindi katanggap-tanggap ay ang maharas at makulong sa kawalang katarungan. kung amoy kalawang ang dugo at 'di sila takot mabahiran, kalawangin sana yaong mga kamay na bakal
0
May 29, 2020
May 29, 2020 at 11:05 AM UTC
quarantine pass
balik-tanaw. limang taong gulang. tapos na maghabulan, magtayaan. pagod na ang lahat at ang natitira na lamang ay magkwentuha't mag-asaran bago magsiuwian. "wala mga daddy niyo sa daddy ko", sigaw ng aking kalaro, "nagpapalipad siya ng mga eroplano". manghang-mangha kami habang nagkukwento siya at may hawak pang eroplanong papel. "pero 'di papatalo si itay", sabi naman ng isa pa, "sa Saudi siya nagtatrabaho kaya lagi akong may bagong laruan". bilang ganoon pa kabata, 'di namin mapigilan mainggit. sino ba namang hindi kung laruan ang binabanggit? pinagyabang ko siyempre ang aking ama. "pulis ang tatay ko". sabay humugis ng baril gamit ang mga kamay. basang-basa ang mga ito dahil sa pawis. mga palad na makaraan ang isang dekada't kalahati ay nalulunod na sa pagiging pasmado o marahil sa kaba dahil sino ba'ng 'di matatakot sa pulis ngayon? nalaman namin na hindi nagpalipad ng eroplano yaong daddy ng kalaro namin. flight attendant siya. marangal na trabaho. nagtrabaho nga sa Saudi ang itay ng kalaro pa naming isa subalit kalaunang bumalik sa 'Pinas dahil pagod na. kahit ano pa mang trabaho iyan o kung saan, nakasisindak isiping nakatira ka sa iisang bubong kasama ang isang mamamatay-tao. ang malala ay isa siya noon sa mga pinaka-tinitingila ko. tunay ngang mabilis ang pag-ikot ng mundo kung ang nasa poder ay baluktot ang prinsipyo. biktima tayong lahat na pumapailalim sa mga nagmamataas na sakim at gahaman. bakit magtataka sa kasulukuyan kung mas masahol pa sa kriminal ang puwersang kapulisan?
0
May 29, 2020
May 29, 2020 at 10:30 AM UTC
ano ba'ng tatay mo?

Continue reading...
36
Tara. Umpisahan natin ang malikhaing pagbabahagi ng aking mga kuwento. Hindi na mabilang ang titik na maingat na inuukit sa isipang hitik sa karanasan at emosyon ngunit kailan sasapat yaong mga nilikhang tula kung ikukubli lamang? Kaya inihahandog ko ang sarili simula sa isang salita at dinagdagan bawat linya. Ngayong nasa ika-sampu na, hindi mamamaalam bagkus, maligayang pagdating!
0
May 29, 2020
May 29, 2020 at 9:25 AM UTC
Prologo