tatlong taon.
tatlong taon ang ginugol ng pusong latay na makapaghilom sa 'yong alaalang taglay.
hindi nila batid. wala silang pagkabatid kung paano nagsanib ang dalawang pusong sabik, kung paano tayo nag-alay ng lahat upang sumiklab muli ang apoy sa gitna ng lamig. hindi nila alam kung papaano mo ako hinagkan sa tuwing dinadalaw ako ng kadiliman.
ni hindi nila naunawaan kung paano mo pinupunasan ng matatamis na salita ang mga sugat mula sa madugong giyera ng tahanan.
ang sabi sa sarili, hindi na muling gagawa ng tula patungkol sa 'yo, ngunit bakit tila kusang gumagalaw ang kamay? humuhugot ng taludtod na hindi mailabas nang tuwiran, mga salitang tinik sa lalamunan kung babanggitin nang diretsuhan.
matagal nang natigang ang panday ng aking panulat, ngunit bakit pag ikaw ang paksa mistulang sumusulpot ang mga salitang matagal nang nakapila.
ilang taon pa ba ang dapat manahan upang hindi na mapanaginipan ang mapait na nakaraan?
sa bawat gabing pag-idlip, muling umuusbong ang hapdi; ngunit pagsapit ng umaga, pangalan mo ang nais makita.
hinanap ko ito sa mga sulok ng midya,
ang pangalang dati'y kausap nang walang pakundangan, ngayo'y pinagmamasdan na lamang sa kalayuan.
hindi na ako babalik; hindi ko na hahayaang madurog muli ang sariling nagsumikap manatili. hindi ko na pipilitin ang sariling hawakan ang piraso **** animo'y bubog ng salamin kung mapanakit. ngunit bakit may lumalangitngit sa dibdib, na tila nais maramdaman muli ang tahan **** bitbit?
dahil ba ikaw ang tanging lalaking nagpakita ng tapang upang ako'y ibigin-o ikaw lang ang unang nagpamalas kung paano maging alipin ng sariling damdamin?
nakalaya na ba talaga ang pusong ito,
o nalinlang lang ang sarili sa kathang kalayaan? ilang salimuot pa ba ang dapat pagdaanan upang tuluyang mapatid ang iyong anino sa aking isipan?
nawa'y dumating ang araw
na hindi na pangalan mo ang una kong hahanapin, hindi na alaala natin ang paulit-ulit kong uungkatin...
Feb 1
Feb 1, 2026 at 5:12 AM UTC