Hello Poetry
Submit your work and get some sparkles! Create free account
liberatovincent
liberatovincent
16/M/San Juan Maaaring lumisan sa pamamagitan ng mga tula. Maaaring mamulat sa pamamagitan ng mga salita.
Nagtawag siya ng isang espiritista at mananalangin na magbuburda sa bawat hibla ng kamalayan na patuloy na binuburda ng sugat at sakit, habang patuloy na ginigising ang matagal na pagkakahikbi at pagkakatulog sa mga hungkag na mangangarap. Dali't daling sumulat ng dagli, sa bawat pagtagaktak ng mga luhang umaagos sa sigaw ng mga birhen at santo na siyang nananalangin sa ikalilinis ng tahanan laban sa mga naghuhudas na diyablo, na itinataya ang gabi para mag-anyong tao sa kahit sino. Bago sumapit ang gabi. Sa takipsilim, limang minuto, bago paparating ang isang duyog na magwawakas sa hindi maaaring wakasan, kagaya ng pagtalikod at pagpikit, na hindi maaaring maisara ng mga mata. Magpapakarahas sa pagsigaw at mananabla ng labing-anim na milyong mananampalataya, ang isang estadista na kung yumapak ay walang-puknat na magliliyab ang sahig, kung saan nakalibing ang hindi mabilang ng mga daliri, pagkaraan ng walang nagdaan sa pagkalimot sa kanila. Sa gilid-gilid ng eskinita, matatagpuan ang mga kawalang-malay na pugot na ulo na hiniling ng mga mananampalataya, sa isang dyini at ipinagkaloob sa kanila ito, ipinagkaloob, ngayon ay tumatanggi kung kailan naparirito ang hiling. Ngayon ay malilinis na ang pinakamaruming hindi nasasaksihan ng mga mata sa tahanan, pagkatapos ipanglagas ang kaluluwa. Sa huli, walang bumabalagkas ng daan, na sumasalamin, pagkatapos manalamin. Sa kabila ng napakaraming salamin.
0
Feb 17, 2019
Feb 17, 2019 at 6:34 AM UTC
Untitled
Mangangata ako sa madaling araw ng panggagalaiti, nang mga panahong mas malalim pa sa dagat, ang panghahaplos sa kaluluwa na kinulang sa pagpapahinga at sa wakas: makakapagpahinga. Ako, ang sisidlan ng kalatas na nagpaagos sa rumaragasang ilog pagkatapos ipasok sa isang bote, sa pag-asang makararating sa iyo ito. Ayaw ko nang bumalik ang kalatas na 'to, baka sa susunod na bumalik sa akin ito, ay naglalaman na ng bulgarang pagtugon ng pagkalas. Ayaw ko na. Manghihipo na lang ako sa gabi sa pamamagitan ng paggunita sa mga alaala para sundan ang anino na unti-unting nawawala sa kusina, sa kuwarto, sa kama, at sa hapag-kainan. Sandali, may idadagdag pa pala ako, hindi ko kakayaning tanggapin ang pagtanggap na namamalikmata lamang ako, habang naglalaho ang pangalan mo sa kuwaderno ko. Mawawala na lamang ang pagkamarahas ng prosa o tula ko. Isasantabi muna kita sa mga susunod na tula o prosa, painda-indayog ang paksa, pero binabalik-balikan ka sa masusing pagsusuri ng konteksto. Magiging humpak na lamang ang dating matunog na ikaw at ang dating laksa-laksang paglalarawan sa bawat pag-ikot at paggalaw mo, na maingat na sinusundan ng mga mata ko. Sa kabila ng pagpipigil sa pagkatapos ng isang nakakainsultong nakakapagod na araw ay magsisilakbo muli ang damdamin, at 'di magpapaawat ang pintig na parang bumabalik ang mga mata sa unang pag-angat ng mga titig. Mahal, mangangata na lamang ako hanggang umaga, habang nginangata ako ng panggagalaiti sa pagsapit ng umaga.
0
Feb 17, 2019
Feb 17, 2019 at 6:33 AM UTC
Nangangata
Walang punlaan ang mga puntod ng kinabukasan. Walang punlaan ang mga puntod ng winakasan. Walang punlaan ang mga puntod ng katapusan. Tumahimik ka at kausapin ang mga puntod ng kilusan upang hindi humantong sa kawalan.
0
Nov 10, 2018
Nov 10, 2018 at 12:39 AM UTC
Mga puntod ng kilusan
Ang gabi Inilaan sa mga tahimik Inilaan nang walang gumagambala, Ngunit sa gabi ko, walang katahimikan Sapagka't ikaw ay gumagambala Sa mga sariwang alaala.
0
Oct 13, 2018
Oct 13, 2018 at 8:10 AM UTC
Sumasariwa sa gabi
Sa mga araw na hindi tayo sigurado sa ating mga damdamin, sana'y punuin natin ngayon ang bawat araw ng kawalan—punuin ang pag-iisa ng bawat isa. Sana'y sumiping sa iyo ang damdamin ko, sumiping sa isipa't balintataw mo. Sana'y mamalagi sa puso mo ang nag-iisang dibdib ko. Hubugin natin lalo ang kaluluwa ng bawat isa, hindi sa pag-hubog ng kawalan kundi sa pag-hubog ng pag-iibigan.
0
Oct 5, 2018
Oct 5, 2018 at 10:19 PM UTC
Hubugin
Ang tauhang ito ay kung lumisan sa mundo—mananatili na lamang ang mga salita, ngunit walang kahulugan ang buhay o hindi alam ang kahulugan ng buhay. 'Walang pag-iral ang tao sa lipunan hangga't 'di kailangan ng lipunan ang tao.' Ang bulong ng tauhan kasunod ang buntunghininga na nasa kawalan na. Tumigil lamang ang tauhan upang pagmasdan ang kumukurap-kurap na liwanag sa rurok ng poste. 'Kahit anong tatag at tibay nito, kung ang liwanag nito sa rurok ay pawala na—wala rin.' Ang bulong muli ng tauhan sa sarili. Biglang bumuhos ang lakas ng ulan habang pinagmamasdan ng tauhan ang poste. Sa lakas ng lagatik ng ulan, ngumiti lamang ang tauhan. Ngumiti lamang sa kabila ng buhos ng ulan sabay tumawa. Sa mga sandaling iyon nasa kawalan ang tauhan—nasa kawalan ng ngiti—nasa kawalan ng ulan. Umuwi lamang ng may ngiti ang tauhan sa kabila ng buhos ng ulan. Madilim at liblib ang kuwarto ng tauhan katulad na lamang ng damdamin at pag-iisip ng tauhan. Sa pagitan ng bintana't pinto. Kumuha ng lubid at upuan ang tauhan. Inilagay sa pagitan ng bintana't pinto ng liblib na kuwarto ang upuan. Tumungtong ang tauhan habang hawak ang lubid, itinali kung saan dapat itali. Itinali sa sarili—iginapos ang katapusan sa leeg—ipiniid ang mga mata. Tumalon na lamang ang tauhan sa upuan sa pagitan ng bintana't pintuan ng liblib na kuwarto. Pumanaw na lamang ang tauhan ng buhay, ngunit may taning. Sa ganoong paraan, nalaman ng buong lipunan na kabilang sa lipunan ang tauhan. Nalaman muli ng lipunan ang pag-iral ng tauhan, ngunit nang pumanaw na ito. Kabilang na muli ang tauhan sa lipunan, ngunit kabilang sa mga pumanaw.
0
Oct 4, 2018
Oct 4, 2018 at 10:59 AM UTC
Ang buhay, ngunit may taning

Continue reading...
5
Sa bilis umilog ng mundo Umiilog pa ba ikaw sa mundo Ng iniibig mo bukas?
0
Oct 4, 2018
Oct 4, 2018 at 12:48 AM UTC
Mundo
Paalam na palangga Lilisan na ang bangka Kasunod ang mga alaala, Ngunit huwag sana ang pag-ibig mawala.
0
Oct 4, 2018
Oct 4, 2018 at 12:47 AM UTC
Palangga
Iniibig mo ang tala, Ngunit iniibig ng tala ang pag-ibig— Hindi ikaw.
0
Oct 4, 2018
Oct 4, 2018 at 12:39 AM UTC
Iniibig
Iniluwal ka sa sinapupunan, Ngunit itinali't iginapos ka Ng taliwas sa iyong mga kagustuhan Ang iyong mga kaibigan Ay lumisan na sa dalampasigan, Ngunit ikaw ay pinagmamasdan mo lamang sila. Nang isilang ka Magulang mo lamang ang masaya sa'yo, Ngunit 'di na nila naisip ang mga hangarin mo. Ang bansag tuloy sa iyo ay: tao lamang. 'Di ngumingiti, 'di masaya At higit sa lahat ay walang hangarin Sa mismong kalooban.
0
Oct 4, 2018
Oct 4, 2018 at 12:38 AM UTC
Saloobin